dzme1530.ph

Patudsada ni Digong sa Kamara, ikinadismaya

Naghayag ng pagkadismaya ang iba’t-ibang lider ng partido pulitikal sa Kamara sa paninira ni Former President Rodrigo Duterte sa institusyon na dati rin nitong pinagsilbihan.

Sa statement na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco, hindi umano nila nagustuhan ang mapanirang remarks ni Duterte sa institusyon na buong sumuporta sa lahat ng legislative priorities nito noong siya pa ay nasa palasyo.

Ang desisyon na ilipat ang contingency funds sa mga tanggapan na kunektado sa West Philippine Sea ay para sa kapakanan umano ng bansa at hindi pag-atake sa sinomang indibidwal gaya ni Vice President Sara Duterte-Carpio.

Ayon pa sa pahayag, ang ituring itong “personal vendetta” ay kasiraan sa masinop na paglilingkod ng mga kasapi ng mababang kapulungan at sa demokratikong proseso.

Iginiit din sa pahayag na ang pork barrel funds na inuungkat ni Duterte ay matagal nang idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema at kanila itong sinusunod.

Ang nagkakaisang pahayag ay nagmula sa Lakas Christian-Muslim Democrats, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, Nationalist People’s Coalition, Nationalista Party, National Unity Party, at Partylist Coalition Foundation, Inc. –Ulat ni Ed Sarto, DZME News

About The Author