Nakahanda na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa posibleng paglilikas ng mga Pilipinong nasa Israel at Gaza.
Sa press briefing sa Malakanyang, iprinisenta ni AFP Spokesman Col. Medal Aguilar ang binuong plano para sa evacuation.
Magpapadala ang militar ng C-130 at C-295 aircrafts na sasakyan ng mga ililikas na Pinoy.
Mula sa Haifa Airport at Tel Aviv airport, sila ay iba-biyahe sa airport sa Turkey na tinukoy bilang temporary safe haven.
Samantala, inihayag naman ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega na para sa mga Pilipino sa Gaza, maaari silang idaan sa border ng Egypt dahil nakasara ang Gaza border sa Israel, at mula roon ay pwede na silang isakay sa commercial flights.
Sa ngayon ay wala pang Pinoy mula Israel ang humiling na mapauwi ng bansa, ngunit may mga Pinoy mula Gaza ang humiling ng repatriation. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News