Tumagal lamang ng 20 minuto ang hearing ng Senate Subcommittee on Finance sa panukalang 2024 budget ng Office of the President (OP) at Presidential Management Staff (PMS) at agad na itong inaprubahan upang i-endorso sa pagtalakay sa plenaryo.
Bukod kay Committee Chairman Sonny Angara, walang ibang senador ang dumalo sa pagtalakay ng P10.7-B kaya’t matapos ang presentasyon at paghiling na madagdagan ng bahagya ang kanilang budget para sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ay isinulong na ang approval nito sa kumite.
Nilinaw naman ni Angara na hindi ito nangangahulugan na hindi na bubusisiin ng iba pang senador ang panukalang budget ng OP at PMS dahil may pagkakataon pa ang lahat ng kanilang miyembro na magtanong pagdating sa plenaryo.
Sinabi pa ni Angara na maaari ring isulong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagbabawas o pag-alis ng confidential fund ng OP pagdating sa plenary deliberations.
Pero para sa kanya na siyang magdidipensa sa budget ng OP at PMS, wala siyang nakikitang dahilan upang alisin ang CIF ng tanggapan dahil ayaw naman nilang mapilayan ang Pangulo bukod pa sa nanatili naman ang halaga simula pa noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinumpirma rin ni Angara na nakita na niya ang report ng OP kaugnay sa paggastos nito ng confidential fund ngayong taon at nakita naman niyang detalyado ito at naging maayos ang paggugol nito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News