dzme1530.ph

Sen. Padilla itutuloy ang pagbabago sa economic provisions ng Saligang Batas

Kahit hindi prayoridad ng Malakanyang at maging ng liderato ng Senado, tuloy pa rin ang pagsusulong ni Senador Robin Padilla ng panukala para sa pagbabago sa economic provisions sa konstitusyon.

Katunayan, sisimulan na ni Padilla ang mga pagdinig sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao sa susunod na buwan.

Layun nito na pulsuhan at paliwanagan ang publiko sa nais niyang pag-amyenda sa konstitusyon.

Matatandaang bilang chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, nagpatawag na si Padilla ng ilang pagdinig kaugnay sa pagbabago ng sistema ng gobyerno tungkol sa Federal form of government.

Subalit ngayon ay isinusulong na ni Padilla ang pagbabago sa economic provisions sa pamamagitan ng constituent assembly.

Una namang iginiit ng mga senador na mas urgent at mas importanteng pagtuunan ng panahon ang mga pangunahing problema na kinakaharap ng bansa tulad ng pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain at makatwirang presyo ng mga bilihin.

Iginiit naman ni Senador Francis Tolentino bilang vice chairman ng Constitutional Amendments Committee, makabubuting hayaan na sumulong ang proseso sa chacha at pakinggan ang panig ng mga pabor at kontra rito.

About The Author