Inihayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakatanggap sila ng balita na may mangilan-ngilang Pilipino sa Gaza ang nagpahiwatig na ng pagnanais na umuwi ng Pilipinas.
Ito ay sa harap ng sumiklab na digmaan sa pagitan ng Israel at ng Palestinian militant group na Hamas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon Public briefing, inihayag ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega na sa pakikipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas, ang sinasabing pangunahing pangamba ng mga Pilipino ay ang kanilang seguridad.
Tinitiyak naman sa kanila ng embahada na sila ay ligtas basta’t sila ay nasa shelters ng militar.
Ayon sa DFA, tinatayang nasa 150 Pilipino ang kasalukuyang nasa Gaza na isang pinag-aagawang teritoryo.
Samantala, kinumpirma rin ni de Vega na sa ngayon ay wala pang Pilipino mula sa Israel ang nais na magpa-repatriate.
Gayunman, tiniyak ng DFA ang kahandaan sakaling may Pinoy na humiling na mapauwi ng bansa, at kung sakaling magpatupad ang gobyerno ng mandatory repatriation. Sa panulat ni Harley Valbuena, DZME NEWS