Nakahanda ang Bureau of Immigration (BI) na magbigay ng tulong sa mga Filipino na posibleng mapauwi kasunod ng sigalot sa pagitan ng Israel at Palestine.
Ginawa ng BI ang pahayag ngayong araw ng Lunes, kung saan makikipag-ugnayan sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) sa mga iskedyul ng posibleng repatriations.
Giit pa ni BI Commissioner Norman Tansingco, magde-deploy siya ng mga special team na magpoproseso ng mga dokumento ng repatriated Filipino at kanilang mga pamilya.
Dagdag pa ni Tansingco, ipapaabot ng nabanggit na ahensya ang lahat ng tulong ayon sa hinihingi ng DFA at DMW para sa kapakanan ng mga mare-repatriate.
Sa huli sinabi ni Tansingco na ang kaligtasan ng ating mga kababayan ang pangunahing priyoridad ng gobyerno at gagawin ng BI ang lahat para makapagbigay ng tulong sa mga ahensyang tutulong sa pagpapauwi ng mga Pilipino sa Israel. –Sa ulat ni Felix Laban, DZME News