dzme1530.ph

PBBM, muling nanawagan sa Kongreso sa pagpapabigat ng parusa sa agricultural economic sabotage

Muling umapela si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Kongreso sa pagpapabigat ng parusa sa agricultural economic sabotage.

Sa talumpati sa pamamahagi ng 1,000 sako ng smuggled na bigas sa Capiz ngayong araw ng Biyernes, inihayag ng Pangulo na nakikipag-ugnayan siya sa Kongreso para sa pag-amyenda sa batas.

Ito ay upang tuluyan nang maging krimen ang agricultural economic sabotage, at mapabigat ang parusa dito.

Muli ring binanatan ni Marcos ang mga smuggler at hoarder na umano’y malayang nakapanloloko ng kapwa, at nagdudulot sa pagkasira ng daloy ng mga produkto sa merkado kaya’t tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Gayunman, kahit gaano man umano kalaki ang mga sindikato tulad ng natimbog na smuggler sa Zamboanga, iginiit ni Marcos na wala itong binatbat sa nagkakaisang lakas ng mga Pilipino.

Pinayuhan din nito ang publiko na huwag matakot na isuplong ang mga sangkot sa smuggling at hoarding.

Matatandaang sinertipikahan nang urgent ng pangulo ang panukalang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa agricultural economic sabotage. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author