Hinimok ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang pamahalaan partikular ang Department of Trade and Industry (DTI) na bantayan ang presyo ng bigas makaraang alisin na ni Pangulong Bongbong Marcos ang price cap sa produkto na ipinatupad noong Setyembre.
Naniniwala si Go na nagkaroon na ng positive indicators kaya’t nagdesisyon ang gobyerno na alisin na ang price ceiling.
Maaari anyang bumaba na ang presyo ng bigas sa merkado at unti-unti na ring tumaas ang suplay nito.
Sa kabila nito, iginiit ni Go na trabaho ng ehekutibo at ng DTI na bantayang mabuti ang presyuhan ng bigas upang hindi tumaas at manatiling abot-kaya
Iginiit pa ng senador na dapat gawin ng gobyerno ang lahat ng hakbang upang matiyak na hindi mauulit ang pagsirit sa presyo ng bigas.
Kung kinakailangan anyang magbigay ng ayuda ay gawin ng pamahalaan upang makaagapay ang mga retailers at mga mamimili lalo’t may pondong nakalaan naman dito ang gobyerno. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News