Itutuloy ng Bureau of Corrections ang pagtatayo nito ng bagong Headquarters sa isang property sa Tanay, Rizal, kung walang masisirang ecological environment.
Sinabi ni BUCOR Officer-In-Charge Gregorio Catapang Jr., na isasanguni siya sa mga eksperto mula sa University of the Philippines Urban Planning Center para sa planong pagtatayo ng bagong pasilidad.
Ginawa ni Catapang ang pahayag sa gitna ng pagkabahala mula sa Masungi Georeserve Foundation dahil ang lugar na tinutukoy ng BUCOR ay nasa loob ng kanilang teritoryo.
Inihayag ng BUCOR Chief na handa siyang makipag-usap sa Masungi Foundation at sa katunayan ay mayroon na silang binuong chat group para pag-usapan, informally, ang isyu at posibleng pagdating ng panahon ay mapag-usapan nila ito ng face-to-face.
Iginiit din ng BUCOR na mayroong inisyung proklamasyon sa ilalim ng Arroyo Administration na nagbigay sa ahensya ng naturang bahagi ng lupain.