Pinasaringan ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa mga programang dapat ay mapakinabangan ng mahihirap.
Sinabi ni Go na dapat ay pagpursigihan ng DSWD ang pagsusulong ng mga programa na makakatulong sa mahihirap sa gitna ng mataas na inflation o pagtaas ng presyo ng mga pangunahing produkto at serbisyo.
Tinukoy ni Go ang programang Assistance in Crisis Situation na anya’y sinimulan sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Go na hindi dapat maging selective ang DSWD sa pagpapatupad ng programa at tiyaking mapapakinabangan ito ng mahihirap nating mga kababayan.
Hinimok din ni Go ang DSWD na ayusin ang paggastos ng pondo sa ilalim ng programa at tiyaking hindi ito maa-underutilized.
Binigyang-diin ng senador na may pondo ang programa na inaprubahan ng Kongreso at dapat tiyaking maipamamahagi sa mahihirap sa halip na masayang.
Ipinaalala pa ng mambabatas na pera rin ito ng taumbayan na dapat ay bumalik sa kanila sa paraan ng maayos na serbisyo at proteksyon sa kanilang kapakanan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News