Nakaamba na naman ang panibagong dagdag-singil sa kuryente ng Manila Electric Co. (Meralco) para ngayong buwan ng Oktubre.
Ayon kay Meralco Vice President at Head of Utility Economics Department Lawrence Fernandez, nakitaan kasi ng pagtaas ng pressure sa generation at transmission charges na maaaring magtulak sa mas mataas na singil sa kuryente.
Malaking rason aniya ng pagtaas nito ay ang paghihigpit sa suplay sa mga power plant na gumagamit ng natural gas.
Ani Fernandez, may mga power plant kasi na napilitang gumamit ng mas mahal na alternatibong gasolina dahil sa pagkasara ng First Natgas-San Gabriel Power Plant sa Batangas City.
Ang generation charge kasi aniya ay isang pass-through charge na ibinabayad sa mga power supplier na nagkakahalaga ng higit sa kalahati ng electric rate.
Dagdag pa nito, malaking impluwensya rin sa paggalaw ng generation cost ng Meralco ang exchange rate, supply and demand situation, at ang epekto ng wholesale electricity spot market at international fuel prices. –sa panulat ni Jam Tarrayo