dzme1530.ph

Mga programa para sa vulnerable sectors, nakahilera na sa harap ng sumisipang inflation

Nakahilera na ang mga programa ng gobyerno para sa pagpapaabot ng tulong sa vulnerable sectors.

Ito ang tiniyak ng Malakanyang matapos sumipa sa 6.1% ang inflation rate para sa buwan ng Setyembre, mula sa 5.3% noong Agosto.

Kabilang sa mga ibinidang programa ay ang Food Stamp Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan binibigyan ng P3,000 food credits ang mga piling pinaka-mahihirap na pamilya, mga buntis, at mga nagpapasusong ina, na kanilang magagamit na pambili ng mga pangunahing pagkain.

Bibigyan din ng P10,000 cash subsidy ang 78,000 na magsasaka na bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, habang ang mga magsasaka ng palay ay tatanggap ng bukod na P5,000 na financial assistance sa harap ng tumataas na production cost.

Inilunsad na rin ang pamamahagi ng fuel subsidies sa mahigit 74,000 public utility vehicle drivers at operators. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author