dzme1530.ph

Importers na kinasuhan dahil sa smuggling ng bigas, pinangalanan ng Pangulo

Tahasang pinangalanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang importers na kinasuhan dahil sa smuggling ng bigas.

Sa kanyang talumpati sa distribusyon ng 1,000 sako ng smuggled na bigas sa Taguig City, tinukoy ng Pangulo ang mga kinasuhang smugglers kabilang ang San Pedro Warehouse and Blue Sakura Agri Grain Corp., FS. Ostia Rice Mill, at Gold Rice Mill.

Sila ay sinampahan ng kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, Rice Tariffication Law, at Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Iginiit ng Pangulo na sa ilalim ng bagong Pilipinas ay walang puwang ang mga nanlalamang at nang-aapi sa kapwa, kaya’t susugpuin ang mga hindi lumalaban nang patas.

Matatandaang patuloy na ipinamamahagi ng gobyerno sa mahihirap ang libu-libong sako ng smuggled na bigas na na-kumpiska ng Bureau of Customs sa Zamboanga.

Muli namang binigyang diin ni Marcos na layunin ng pamimigay ng bigas na iparating ang pagiging seryoso ng pamahalaan sa pagsugpo sa smuggling, hoarding, at iba pang iligal na gawaing nakaa-apekto sa supply at presyo ng mga bilihin. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author