Nanindigan ang Bureau of Plant Industry na wala silang itinatago sa harap ng isyu sa posibleng smuggling at hoarding ng sibuyas.
Ito ay matapos maglabas ang House Committee on Agriculture and Food ng show-cause order laban sa mga opisyal ng DA-BPI, upang sila ay pagpaliwanagin sa pagbibigay ng permits para sa pag-aangkat ng milyun-milyong kilo ng sibuyas noong Enero at Agosto.
Ayon kay BPI Director Glenn Panganiban, hindi sila basta-basta nagbubukas ng importasyon dahil ito ay ibinabatay sa scientific basis at sa supply and demand.
Tinitiyak din nito na kanilang ibina-balanse ang kapakakan ng mga magsasaka at mga consumer.
Bukod dito, palagi rin umano silang nakikipag-ugnayan sa agribusiness and marketing assistance service at iba pang ahensya kaugnay ng mga aktibidad, at inire-report din ito sa Office of the Secretary.
Matatandaang ibinunyag ng house committee na nag-issue ng permit ang BPI para sa pag-iimport ng 5.7-M kilograms ng sibuyas noong Enero, at 12.4-M kilograms ng sibuyas noong Agosto.
Sinabi naman ni panganiban na mayroon silang sariling imbestigasyon kaugnay ng isyu. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News