Kinuwestyon ni Senador Nancy Binay ang aksyon ng Department of Tourism (DOT) makaraang ipagmalaki ng Indonesian tourism minister na ginamit sa tourism campaign video ng Pilipinas ang larawan ng rice paddies ng kanilang bansa.
Sa pagdinig ng panukalang 2024 budget ng DOT, ilang ulit na itinanggi ni Tourism Secretary Christina Frasco na gumamit sila ng larawan ng ibang bansa sa promotional video na ipinakita sa UNWTO conference sa Cambodia.
Nilinaw naman ni Frasco na ang ipinakitang video sa Cambodia ay naglalaman lamang ng mga tanawin sa Cebu at walang rice paddies na iprinisinta.
Taliwas sa pahayag ng Indonesian Tourism minister na dapat pasalamatan ang Pilipinas sa promosyon ng kanilang bansa dahil sa paggamit ng kanilang stock photo.
Iginiit ni Frasco na ibang video na iprinisinta sa UNWTO dinner sa naging kontrobersyal na promotional video na “Love the Philippines” campaign.
Sinabi ni Binay na kung naninindigan ang DOT sa kanilang deklarasyon ay dapat na humingi sila ng public apology mula sa Indonesian tourism minister dahil lumilitaw na nasira ang imahe ng Pilipinas sa pagpapalabas na gumamit ang bansa ng rice paddies ng Indonesia.
Nilinaw naman ni Assistant Secretary Verna Buensuceso na tumawag siya sa kanilang counterpart sa Indonesia para linawin ang pangyayari.
Subalit hindi kuntento dito si Binay at iginiit na dapat formal communication ang ginawa ng DOT bukod pa sa dapat ay naglabas ng pahayag ang ahensya na naglilinaw na mali ang datos ng Indonesia.
Sa huli, pinayuhan ng senadora ang DOT na makipag-ugnayan kay DFA Secretary Enrique Manalo para iparating nito ang reklamo at paglilinaw sa Indonesia. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News