dzme1530.ph

DTI, target gawing top 3 ang Pilipinas sa ASEAN region

Kinumpirma ng Department of Trade and Industry (DTI) na target nilang gawing top 3 sa ASEAN region ang Pilipinas sa pagtanggap ng Foreign Direct Investment (FDI) pagdating ng taong 2028.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2024 budget ng DTI, sinabi ni Bureau of Investments (BOI) head Undersecretary Ceferino Rodolfo na mula top 3 ay target din nilang itaas sa number 2 ang Pilipinas sa buong ASEAN sa usapin ng FDI.

Sa kasalukuyan, nasa number 1 spot ang Singapore sa ASEAN na nakakatanggap ng hanggang $100-B na halaga ng FDI kada taon; sumunod ang Indonesia sa $20-B hanggang $25-B: at Vietnam na may $15-B FDI per year.

Ang Pilipinas, Thailand at Malaysia naman ay naglalaban-laban sa ika 4, 5 at 6 na pwesto.

Ipinagmalaki naman ni Rodolfo na sa unang semestre ng taong ito ay mas maganda ang performance ng Pilipinas kumpara sa Malaysia at Thailand kaya kumpiyansa ang ahensya na kayang maisakatuparan ang kanilang target.

Nitong 2022, umabot sa $9.4-B ang FDI na nakuha ng Pilipinas.

Kabilang sa mga sektor na inaasahan ng ahensya na makakaakit ng mga mamumuhunan ay ang mineral processing; renewable energy; telecommunications tower; at data centers.

Sinabi rin ni Rodolfo na malaki ang naitulong ng mga repormang ipinatupad ng lehislatura at ehekutibo para sa pagpasok ng mas maraming FDI sa Pilipinas gaya ng pag-aalis ng foreign equity restrictions sa ilang renewable energy sector partikular sa solar, wind at tidal energy.

Malaki rin aniya ang naitulong ng mga presidential visits sa iba’t ibang mga bansa para makahikayat ng mga mamumuhunan sa Pilipinas.  –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author