Nagtataka ang ilang senador kung bakit walang pondo ang ilang programa ng Department of Trade and Industry (DTI) kabilang na ang kanilang consumer protection program.
Ayon kay DTI Secretary Alfredo Pascual, humihiling sila ng P300-M para sa consumer protection advocacy ng ahensya partikular sa pagpapalakas nila ng intelligence, monitoring and enforcement.
Ipinaliwanag ni DTI Assistant Secretary Mary Jean Pacheco, kabilang sa popondohan ng P300-M ang kanilang strike force na mangangasiwa sa monitoring ng mga presyo ng mga bilihin.
Kasama rin dito ang equipment para sa testing at certification ng mga vape sa merkado upang matiyak ang maayos na implementasyon ng Vape Law gayundin ang consumer education and advocacy.
Sa pagdinig sa Senado, tinanong ni Senador Mark Villar ang DTI kung kasama sa programa ang monitoring laban sa mga hoarder at manipulators partikular ng mga agricultural products.
Sinabi ni Pascual na kailangan nila ng koordinasyon sa National Bureau of Investigation at maging sa Philippine Competition Commission sa naturang kampanya para sa law enforcement.
Hindi rin nabigyan ng pondo sa ilalim ng 2024 proposed budget ang Center for Artificial Intelligence Research na tututok sa mga MSMEs para maka-adopt sa artificial intelligence at magamit nila ito sa pagpapalago ng negosyo.
Kasama dito ang patuloy na research sa epekto ng AI sa trabaho subalit giit ng DTI na kailangan nila ng super computers at pampasweldo sa mga kukuning tao. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News