Binalaan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga gumagawa ng bomb joke at bomb threat na may kaakibat itong parusa na 5 hanggang 12 taon na pagkakakulong at multang P40,000.
Ito ang pahayag ng CAAP kasunod ng nangyaring bomb joke na kinasangkutan ng eroplano ng Cebu Pacific kung saan 10 sa kanilang domestic flight at ng iba pang airlines ang naapektuhan mula at papunta sa Bicol international Airport0 (BIA), kahapon.
Ayon kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, base sa ipinatutupad na batas o ang Presidential Decree 1727, ang pagbibiro ng pagsabog o bomb joke ay may kaukulang parusa.
Habang sa bomb threat naman o pananakot na magpapasabog ng bomba ay labag sa Anti-Terrorism Act of 2020 o Republic Act 11479 at may parusang 12 taon na pagkakakulong.
Dagdag pa ni Apolonio, nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng CAAP upang matukoy kung sino ang suspect sa naturang bomb joke at mapanagot ito sa perwisyong nagawa sa paliparan. –sa ulat ni Tony Gildo, DZME News