Isusulong ng Department of Budget and Management (DBM) ang digitalization sa procurements ng gobyerno, sa ilalim ng proposed amendments sa Government Procurement Reform Act.
Ayon kay Budget Sec. Amenah Pangandaman, sa pamamagitan ng digitalization at innovation ay maitataguyod ang transparent na public procurement sa ilalim ng Modernized Philippine Government Electronic Procurement System.
Sinabi ni Pangandaman na malaki na ang naging pagbabago sa teknolohiya, at mas nakita ang kahalagahan ng digital transactions sa panahon ng pandemya at mga krisis.
Kasabay nito’y inilunsad din ng DBM ang Methodology for Assessing Procurement Systems (MAPS) report na gagamitin para sa pag-evaluate sa procurement performance ng gobyerno.
Iginiit ni Pangandaman na ang pangunahing nagiging problema sa procurement ay ang kawalan ng maayos na pagpa-plano na nagre-resulta sa nabibigong biddings at magulong requirements.
Kaugnay dito, tiniyak ng DBM Chief na sa ilalim ng proposed amendments ay isusulong ang mga istratehiya sa procurement planning kabilang ang market scoping, early procurement activities, at pagpapalawak sa pool ng prospective bidders. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News