dzme1530.ph

Tulong Dunong Program, walang pondo sa susunod na taon

Tiniyak ni Commission on Higher Education (CHEd) Chairman Prospero de Vera na magpapatuloy ang pagsuporta nila sa mga scholars sa ilalim ng Tulong Dunong Program.

Ito ay sa kabila ng puna ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na sa ilalim ng 2024 proposed budget ay walang pondong inilaan para sa programa.

Ipinaliwanag ni de Vera na sa ilalim ng 2023 budget, ang pondo sa Tulong Dunong Program ay bahagi ng realignment ng Kongreso.

At dahil aksyon ito ng mga mambabatas ay hindi na ito isinasama ng executive department sa National Expenditure Program.

Gayunman, tiniyak ni de Vera na lahat ng kasama sa Tulong Dunong Program ay magiging saklaw na ng kanilang continuing appropriations hanggang sa tuluyang maka-graduate ang mga benepisyaryo.

Sinabi ni Villanueva na batay sa natanggap niyang reklamo, marami sa mga benepisyaryo ng programa ang hindi pa nababayaran simula noong 2021.

Hiniling naman ng CHEd kay Villanueva na isumite sa kanila ang listahan ng mga hindi pa nakakatanggap ng alokasyon upang agad nila itong maiproseso. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author