dzme1530.ph

Paghalukay sa confidential at intelligence fund ni VP Duterte, hindi lang usaping pulitikal

Hindi lamang usaping pampulitikal ang paghalukay sa confidential at intelligence fund ni Vice President Sara Duterte.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Risa Hontiveros kasabay ng pahayag na kumpara kay Duterte, hindi nagkaroon ng malaking confidential fund si dating Vice President Leni Robredo.

Kaya’t ang mga kritisismo aniya sa panukalang pondo ay hindi sa personahe ng Pangalawang Pangulo at sa halip ay dahil sa laki at wala sa lugar na confidential fund.

Ipinaalala ng senador na ang confidential fund ay galing sa buwis ng mamamayan, hawak ng gobyerno at dapat lamang na ilaan sa mga ahensya na may mandato at expertise sa national defense o sa public safety.

Naniniwala rin ang mambabatas na ang kasalukuyang debate at bardagulan tungkol sa confidential funds ay pagkakaton para sa public education tungkol sa entitlement ng mamayan at dapat maging accountable ang mga nagtatrabaho sa gobyerno.

Aminado rin ang senadora na kataka-taka ring umabot ang confidential fund ni Duterte noon sa Davao ng P460-M kada taon.

Tanong pa ng mambabatas kung mayroon din bang inaagaw ang China sa Davao tulad ng West Philippine Sea na dapat pag-ukulan ng confidential fund. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author