dzme1530.ph

Mga smuggler, gumagamit na rin ng mga patay sa iligal nilang aktibidad

Ibinunyag ni Senador Raffy Tulfo na nagtatago na rin ngayon ang mga smugglers sa pangalan ng mga patay gayundin ng mga kasambahay, driver at iba pang personalidad kaya malaya silang nakakapagpuslit ng iligal na produkto.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni Tulfo na ito ang pangunahing dahilan kaya’t hirap din ang mga awtoridad na tukuyin kung sino ang mga tunay na may-ari ng 560 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.8-B na nasabat sa Subic nitong Huwebes.

Ayon kay Bureau of Customs Intelligence Deputy Commissioner Juvymax Uy, ang kargamento ay nakapangalan sa kumpanyang Locer na isang one-time consignee at patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad.

Sinabi ni Tulfo na malabo na itong matunton ng mga awtoridad.

Sa kasalukuyang sistema, kabilang sa mga hinihinging dokumento ng BOC sa mga consignee ay business permit, proof of financial capacity, one year ITR at iba pa.

Iminungkahi naman ni Tulfo na gawing 5 years ang ITR na hihingin sa mga consignee at i-require silang personal na humarap sa BOC.

Pinasisilip din ni tulfo ang impormasyon tungkol sa sinasabing “consignee for sale” na ginagamit sa mga ilegal na kargamento. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author