Inamin ni Senate President Migz Zubiri na nagulat siya sa deklarasyon ni House Speaker Martin Romualdez na tatapyasan at tatanggalan nila ng Confidential and Intelligence Fund (CIF) ang civilian agencies.
Una nang kinumpirma ni Marikina City Rep. Stella Quimbo na kasama ang Office of the Vice President at Department of Education at walo pang ahensya ang matatanggalan o matatapyasan ng confidential fund.
Sinabi ni Zubiri na sa panig ng Senado ay matagal na nilang inihayag na plano nilang rebisahin ang lahat ng CIF kaya’t binuo nila ang Oversight Committee on the Confidential and Intelligence Fund.
Sa pulong anya ng kumite, nakita nila na marami sa mga nabigyan ng CIF ang hindi naman tugma sa nilalayon ng budget ang kanilang pinagkagastusan.
Kung aamyendahan anya ng Kamara ang panukalang budget at aalisin na ang CIF ng ibang ahensya ay mas magiging madali sa Senado ang kanilang pagtalakay sa budget.
Samantala, malaking bagay para kay Zubiri ang pagtanggi na mismo ng ilang ahensya na tumanggap ng CIF na malaya na nilang maililipat sa ibang ahensya na nangangailangan nito.
Tinukoy ni Zubiri ang P50-M na pondo sana para sa Department of Foreign Affairs na maaaring ilagay sa intelligence fund ng Philippine Coast Guard na sa ngayon ay mayroon lamang P10-M.
Idinagdag din ni Zubiri ang P51-M mula sa Office of the Ombudsman na malaking bagay anya na mailagay sa National Intelligence Coordinating Agency o sa Department of National Defense. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News