dzme1530.ph

Expanded Centenarian Bill, malapit nang maramdaman ng mga senior citizen

Kumpiyansa si Senador Ramon ‘Bong’ Revilla na mararamdaman na sa mga susunod na panahon ang pinalawig na Centenarian Act na kanyang iniakda.

Ayon kay Revilla, ikinagagalak at ipinagpapasalamat niya ang pagpasa sa 3rd and final reading sa Senado ng panukalang nagpapatunay sa pagpapahalaga, pagmamahal, at pagkalinga sa ating mga lolo at lola.

Sa inaprubahang pag-amyenda sa Centenarian Act of 2016, pagkakalooban na rin ng cash gift ang mga senior citizen na may edad 80, 90 bukod sa 100 taong gulang.

Sa ilalim ng Senate Bill 2028 o ang panukalang ‘Expanding the Coverage of the Centenarians Act,’ ang mga senior citizen ay pagkakalooban ng P10,000 sa pagsapit sa edad na 80 anyos, P20,000 naman sa edad na 90 anyos, at P100,000 pagsapit sa edad na 100.

Nangangahulugan ito na hindi na kailangang maghintay pa na umabot sa edad na 100 para makuha ang benepisyo mula sa gobyerno.

Sinabi ni Revilla na sa kasalukuyang batas, masyado nang matanda ang mga benepisyaryo bago pa nila matanggap at ma-enjoy ang ibinibigay ng gobyerno na monetary gift sa kanila.

Sa ngayon ay bubuo na ng bicameral conference committee ang dalawang kapulungan para pag-isahin ang kani-kaniyang bersyon at sa pagbabalik sesyon ay inaasahang mararatipikahan ito at ieendorso para sa paglagda ng Pangulo. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author