Photo Courtesy | Senator Nancy Binay Facebook
Hindi receptive o malamig ang karamihan sa mga senador sa ipinapanukalang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.
Ito ang inihayag na obserbasyon ni Senador Nancy Binay makaraang ihain ni Senador Robinhood Padilla sa Senado ang Joint Resolution para sa pagbuo ng Constitutional Assembly upang amyendahan ang konstitusyon.
Ayon kay Binay, sa mga nakausap niyang senador, mas dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang pagbangon mula sa pandemya, ang tumataas pa ring inflation, ang seguridad sa pagkain at iba pang mga priority programs.
Maituturing ding divisive ang hakbang kung saan may kanya-kanyang interes at hindi anya tiyak na makakahon lamang sa economic provisions ang pagbubukas ng saligang batas dahil maaaring magalaw ang ibang probisyon gaya ng term limit ng mga pulitiko.
Naniniwala rin si binay, na maaring kwestunin ito sa Korte Suprema at nangangamba ang mga senador na madehado sila sa desisyon.