Umapela si Sen. Ramon Bong Revilla Jr. sa Malakanyang na ikunsidera ang mga ‘no work-no pay’ na mga manggagawa ng ‘It’s Showtime’ sa pagdedesisyon kung sakaling iapela pa ng pamunuan nito ang desisyon ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB).
Ito ay kasunod ng pagbasura sa motions for reconsideration ng ABS-CBN Corporation at ng GMA Network, Inc. laban sa suspensyon ng programa sa loob ng 12 airing days.
Sinabi ni Revilla na sana maikunsidera ng MTRCB ang kapakanan ng mga maliliit na staff at crew ng show na wala namang kinalaman at kasalanan sa mga nangyari.
Binigyang diin ng senador na hindi niya pinakikialaman kung anuman ang kahihinatnan ng kaso ngunit labis anya siyang nababahala sa kalagayan ng mga manggagawa na maapektuhan partikular ang mga magulang na may pinag-aaral na anak.
Naniniwala si Revilla na magsusumite rin ng apela ABS-CBN at GMA sa tanggapan ng Pangulo sa loob ng 15-day period na pinapayagan naman at buo ang kaniyang kumpiyansa na kapag na-review ang pangyayari ay iiral na ang humanitarian considerations.
Iginiit ng senador na sa tingin niya ay may natutunan nang leksyon sa pangyayari kasabay ng giit na ang kasalanan ni Juan ay hindi kasalanan ni Pedro. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News