dzme1530.ph

Committee report sa Eddie Garcia Bill, target ilatag sa plenaryo sa Nobyembre

Plano ni Senate Committee on Labor Chairman Jinggoy Estrada na mailatag sa plenaryo ang committee report ukol sa Eddie Garcia Bill sa pagbabalik ng sesyon sa Nobyembre.

Sa ngayon ay nagsasagawa na ng pagtalakay ang binuo nilang technical working group upang balangkasin ang mga pagbabago sa panukala.

Una nang kinunsulta ni Estrada ang ilang mga miyembro ng showbiz industry at eksperto sa Labor Law para sa angkop na panukalang magbibigay proteksyon at titiyak sa Occupational Safety and Health Standards ng mga manggagawa at talent sa Movie, Television at Radio Entertainment Industry.

Ipinaliwanag ni Estrada na unique ang nature ng showbiz industry kung saan karamihan ay walang regular na employer dahil kinukuha lang sila kapag may proyekto at madalas mas mahaba ang oras nila sa trabaho kapag may tinatapos na pelikula.

Nakapaloob sa panukala kung ilang oras lang dapat magtrabaho kada araw ang mga manggagawa at talent sa entertainment industry.

Umaasa naman si Senator Robin Padilla na sa pamamagitan ng Eddie Garcia Bill matutugunan ang mga isyung kinakaharap ng showbiz industry.

Bilang aktor, sinabi ni Padilla na ikinalulungkot nya ang kakulangan ng batas na kumikilala sa unique nature ng entertainment industry. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author