Posibleng tanggalan ng accreditation to practice in private ang mga doktor sa mga pampublikong ospital na hindi tatanggap ng guarantee letter mula sa Department of Health (DOH) para bayad sa kanilang professional fee.
Ito ang isa sa naiisip ni Health Secretary Ted Herbosa na solusyon upang maobliga ang mga doktor na tanggapin ang 50% ng kanilang professional fee mula sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP).
Sa pagharap niya sa Commission on Appointments, sinabi Herbosa na mayroon nang Memorandum of Agreement ang DOH sa mga pampublikong pagamutan gayundin sa 1,300 na pribadong ospital upang tanggapin ang guarantee letter nila sa ilalim ng MAIP.
Gayunman, sa impormasyon ni Cong. Lray Villafuerte, may mga private doctor sa pampublikong ospital ang ayaw tumanggap ng MAIP bilang bayad sa kanilang professional fee dahil maoobliga silang magbayad ng buwis kahit hindi pa sila nakakasingil.
Iginiit pa ng kalihim na pwede rin silang magpatupad ng computerization sa DOH upang mapabilis pa ang 60 araw na pagbabayad ng MAIP.
Sa hiling kasi ni Villafuerte ay mairelease ang bayad sa guarantee letter sa ilalim ng MAIP sa loob lamang ng isang linggo kung kumpleto naman ang dokumento.
Sa ngayon ay mahigit dalawang oras nang nakasalang sa CA si Herbosa at nausisa na rin sa kanya ang usapin sa Malasakit Center at Super Health Center.
Sa pag-usisa ni CA Committee on Health Chairman Bong Go, sinabi ni Herbosa na mula Enero hanggang Agosto ng taong ito ay umabot na sa 2.66 milyong Pilipino na ang natulungan ng mga Malasakit Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Tiniyak din ng kalihim na may sapat na pondo para sa programa sa ilalim ng panukalang 2024 budget.
Ibinahagi rin ng kalihim na sa ngayon ay nasa 53 Super Health Centers na ang napapatayo sa buong Pilipinas habang nasa 238 ang ongoing at 307 units na ang ready to be awarded. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News