dzme1530.ph

Magna carta for Seafarers, sinertipikahang urgent ni PBBM

Sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent bill ang Senate Bill 2221 o ang panukalang Magna Carta for Seafarers.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, ipinadala na ang Certification of Urgency mula Malakanyang sa tanggapan ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Base dito, nakasaad na kailangang agad na ipasa ang panukala upang matugunan ang mga pagkukulang sa mga batas ng Pilipinas kaugnay ng training at accreditation ng libu-libong Pinoy seafarer na naglalagay sa kanilang employment sa alanganin, lalo na sa European market at sa global arena.

Nakapaloob din sa panukala ang paggarantiya sa international community na ang Pilipinas ay sumusunod sa mga obligasyon na tiyaking ang mga training, pasilidad at equipment natin ay naaayon sa international standards at sa mga kaugnay na conventions.

Sa ngayon ay nasa period of amendments na ang panukala at inaasahang maaaprubahan ngayong linggo sa ikalawa, ikatlo at huling pagbasa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author