Sa gitna ng pagtaas ng kaso ng mga inaatake sa puso, isinusulong ni Senador Lito Lapid ang panukala na magmamandato ng paglalagay ng Automated External Defibrillators (AED) sa pangunahing lugar na dinarayo ng mga tao.
Ang AED ay isang portable at life-saving device na makatutulong sa pagsalba ng isang buhay sa pamamagitan ng electric shock.
Sa kanyang Senate Bill 1324, tinukoy na ang atake sa puso ang isa sa mga pangunahing karamdaman sa Pilipinas na nagdudulot ng agarang kamatayan sa mga Pilipino na maaaring maiwasan kung maaagapan.
Sa panukala, maglalagay ng AED sa mga pampubliko at pribadong lugar, tulad ng government buildings, opisina, hotels, resorts, condominiums, mga korte, paaralan, parke, palengke at transport terminals.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 77,173 Pinoy ang nasawi dahil sa ischemic heart disease, mula Enero hanggang Setyembre noong 2022 kaya’t itinuturing na top killer disease sa mga Pinoy ang atake sa puso.
Bukod sa paglalagay ng mga AED sa public at private spaces, mandato sa panukala ang pagsasagawa ng training program sa mga Pinoy na pangungunahan ng Department of Health para sa tamang paggamit at maintenance ng AED units, kasabay ng regular na first-aid training. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News