dzme1530.ph

Apat na priority bills ng administrasyon, aprub na sa Senado

Inaprubahan na ng Senado sa 3rd and final reading ang apat na panukalang kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon.

Ito ay Senate Bill 2224 o ang panukalang Ease of Paying Taxes Act; Senate bill 2001 o panukalang New Philippine Passport Act; at Senate Bill 2233 o ang panukalang Public-Private Partnerships (PPP) Act na pawang nakakuha ng 20 pabor na boto, walang tumutol at walang nag-abstain.

Kasama rin sa inaprubahan sa 3rd reading ang Senate Bill 1846 o ang panukalang Internet Transactions Act/ E-Commerce Law na nakakuha naman ng 20 pabor na boto habang isa ang kontra.

Sa ilalim ng Ease of Paying Taxes Bill, ang mga taxpaying entities ay pinapayagang maghain ng tax returns at magbayad ng buwis sa pamamagitan ng electronic channels o otorisadong bank agents.

Target nitong gawing mas simple ang proseso ng pagbabayad ng buwis para mapataas ang tax compliance at mapatatag ang karapatan ng mga taxpayer.

Alinsunod naman sa panukalang New Philippine Passport Act, target na magdevelop ng new generation ng passports alinsunod sa international standards at mapabilis ang application process.

Nakapaloob dito ang probisyon para sa non-appearance sa pagre-renew ng passports ng mga senior citizen at mga Overseas Filipino Workers sa mga consular offices.

Samantala, sa panukalang Public-Private Partnerships (PPP) Act, nilalayong bumuo ng isang unified legal framework para sa lahat ng PPP sa national at local level.

Habang ang panukalang Internet Transactions Act ay naglalayong matiyak na ang lahat ng mga goods at services na makikita online ay tamang mabibili ng mga consumer at titiyaking maaasahan, mapagkakatiwalaan at accessible sa lahat ng consumer ang mga e-commerce transactions.

Kabilang sa mga mahahalagang probisyon ng panukala ay ang pagpapataw ng parusa sa mga e-marketplaces, e-retailers, online merchants, at digital platforms na lalabag sa consumer act.

Tumutol sa panukala si Senate Minority Leader Koko Pimentel dahil hindi anya dapat itong gawing urgent bill dahil wala namang tutugunang kalamidad o emergency situation ang panukala. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News

About The Author