Pinasalamatan ni Manila Police District (MPD) Dir. PBGen. Andre Dizon ang mga opisyal at miyembro ng MPD Press Corp sa tulong at serbisyo nila sa pagpapalaganap ng tamang pagbabalita sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Sa ginanap na unveiling ng COVID-19 Pandemic Marker, sinabi ni Dizon na malaking bagay ang samahan ng media upang ipaabot ang mga kaganapan at mga pangyayari sa publiko lalo na noong panahon ng lockdown bunsod ng pandemya.
Aniya, batid ng bawat miyembro ng MPD Press Corp ang panganib na mahawaan rin ng nakamamatay na sakit pero patuloy pa rin ang mga ito sa kanilang trabaho.
Ayon naman kay National Press Club (NPC) President Lydia Bueno, ang marker ang magsisilbing paalala sa naging dedikasyon ng bawat miyembro ng media na gawin ang kanilang trabaho anuman ang nagaganap sa bansa.
Sa pahayag ni MPD Press Corp President Edd Gumban, ang naturang marker rin ang magpapa-alala sa mga tulong at suporta na nai-ambag mula sa pribado at pampublikong sektor maging ang samahan ng kapwa nila nasa media. –sa ulat ni Felix Laban, DZME News