Nagpasalamat ang Department of National Defense (DND) sa mga senador na sumuporta sa pagtatakda ng Pilipinas at America ng apat na panibagong lokasyon para sa Enhanced Defense Cooperation Agreemento (EDCA), at ang planong joint patrols sa West Philippine Sea.
Ayon kay DND Secretary Carlito Galvez Jr, nakikiisa ang bansa sa hangaring tiyakin ang Freedom of Navigation, at sa pagtataguyod ng mapayapa at malayang Indo-Pacific Region.
Iginiit pa ni Galvez na dapat bantayan at pangalagaan ang marine resources ng Pilipinas na nalalagay sa peligro dahil sa overfishing at manmade ecological degradation.
Binigyang-diin naman ng kalihim na nananatiling mandato ng DND ang pagtatanggol sa ating karapatan at soberanya kabilang ang malayang pangingisda sa sarili nating karagatan.
Matatandaang kabilang sa mga senador na pumuri sa pagpapalawak ng EDCA at sa US Philippine Joint Patrols ay sina Senator Francis Tolentino, Francis Escudero, at Sherwin Gatchalian.
Sinabi naman ni Galvez na ang lahat ng mga nabanggit na hakbang ay alinsunod sa Foreign policy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.