Nanindigan ang Senate Committee on Justice and Human Rights na mananatili sa detention cell ng Senado ang mag-asawang France at Pablo Ruiz, mga amo ng minaltratong kasambahay na si Elvie Vergara.
Ito ay makaraang i-cite na rin for contempt si Pablo bunsod ng sinasabing pagsisinungaling sa kumite.
Iginiit din ni Senador Jinggoy Estrada na kahit adjourned na ang pagdinig sa isyu ay mananatili sa detention cell ang mag-asawa hangga’t walang atas ang anumang korte na sila ay palayain.
Alinsunod sa regulasyon ng Senado, mananatili ang bisa ng kanilang contempt hangga’t hindi natatapos ang 19th Congress maliban na lamang kung i-lift na ito ng mga senador.
Kasabay nito, inihayag na rin sa kumite ni Senador Francis Tolentino na bumagsak sa polygraph test ang mag-asawa habang ang iba pang testigong sumalang ay pasado sa pagsusuri.
Kabuuang pitong testigo ang humarap sa pagdinig at pinatotohanan ang mga alegasyon ni Vergara na sinasaktan siya ng kanyang mga amo hanggang siya ay mabulag. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News