Nanawagan si Senator Francis Tolentino sa Department of Health (DOH) na i-preposition o ilagay na ang suplay ng mga face masks sa mga lokal na pamahalaan at mga paaralan na nasa palibot ng Taal Volcano.
Ito ay kasunod na rin ng pagbuga ng usok at abo ng bulkan dahil sa magkakasunod na volcanic tremors at pagtaas ng aktibidad ng Taal volcano.
Inatasan ni Tolentino ang DOH na makipag-ugnayan sa mga regional offices sa CALABARZON region para i-preposition na sa mga apektadong lugar ang mga kinakailangang face masks lalo na sa mga lugar na mayroong smog o vog.
Sa gitna na rin ito ng pangamba ni Tolentino na abusuhin ng ilang mga indibidwal at mga negosyante ang kakulangan na naman ng face masks lalo na ang N95 sa mga lugar na apektado ng mga aktibidad ng bulkan.
Hindi anya imposibleng maulit ang nangyari noong 2020 nang nag-alburuto rin Bulkang Taal kung saan kinapos ng suplay ng face masks sa maraming tindahan dahil sa hoarding activities ng ilan at ibebenta sa mas mataas na halaga.
Hiniling din ng senador sa DOH at sa LGUs na bigyan din ng face masks ang mga manggagawa sa export processing zone sa mga probinsya ng Cavite, Batangas, at Laguna na apektado rin ng pagaalburoto ng Taal. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News