Pumanaw na si dating Marikina City Mayor at Congressman Bayani Fernando sa edad na 77.
Sa isang text message kinumpirma ni Mayor Marcelino Marcy Teodoro ang pagpanaw ni Fernando dakong alas-12:36 kaninang tanghali.
Sa mga kumalat na impormasyon, nahulog diumano ang dating chairman ng Metro Manila Development Authority sa bubungan ng kanyang bahay habang may kinukumpuni sa Monte Vista Subdivision, Barangay Industrial Valley Complex.
Isinugod umano ito sa Quirino Memorial Medical Center at duon binawian ng buhay.
Si Fernando na mas kilala sa tawag na BF ay huling nanungkulan bilang kongresista ng 1st District ng Marikina City noong 18th Congress mula 2016 hanggang 2022.
Nagsilbi itong mayor ng Marikina noong 1992 hanggang 2001; chairman ng MMDA noong 2002 hanggang 2009; at kalihim ng Department of Public Works and Highways sa loob lamang ng 3-buwan simula January 15, 2003 hanggang April 15, 2003; bago sumabak sa vice presidential race noong 2010. —sa ulat ni Ed Sarto, DZME News