Suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang rekomendasyon ng Senate Committee on Ways and Means na permanente nang ipagbawal ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan, hindi matutumbasan ng revenues o kita sa POGO ang negatibong epekto nito sa lipunan.
Kaugnay dito, sinabi ni Balisacan na mas isinisulong nila ang lehitimo at dekalidad na investments na nag-aalok ng goods and services, at hindi ang mga nadadawit sa hinihinalang krimen at iba pang isyu.
Iginiit pa ng kalihim na umiikot sila sa iba’t ibang bansa upang maipakilala ang Pilipinas bilang isang magandang bansa para sa pagne-negosyo, upang makahikayat ng investments na hindi lamang makabubuti sa ekonomiya kundi sa pag-unlad ng lipunan.
Kampante rin ito na madali ring mababawi ng bansa ang mawawalang kita sa POGO, at ini-halimbawa nito ang Thailand at Indonesia na hindi umaasa sa POGO.
Nilinaw naman ni Balisacan na ito ay pananaw pa lamang ng NEDA at hindi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News