Nagbabala si Senador JV Ejercito na babawiin niya ang lagda sa committee report na nagsusulong ng pag-ban sa POGO sa bansa kung gagawin itong agaran o hindi na bibigyan ng palugit.
Nanindigan si Ejercito na dapat bigyan ng dalawa hanggang tatlong taon ang mga POGO bago ipatigil ang kanilang operasyon.
Nilinaw ng senador na nakumbinsi siyang lumagda sa committee report para madala na ito sa plenaryo upang matalakay na.
Gayunman kung immediate ban ang ipatutupad ay babawiin niya ang pirma.
Naniniwala rin ang senador na masyadong maikli ang tatlong buwan na palugit para palayasin ang mga POGO sa bansa.
Sinabi ni Ejercito na dapat magkaroon ng alternatibong pangkabuhayan para sa mga mawawalan ng trabaho at dapat ding pagplanuhan ang magiging epekto ng POGO ban sa iba pang karugtong nitong industriya. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News