Dalawa pang testigo laban sa sinasabing kulto na Socorro Bayanihan Services Inc. na naka base sa Sitio Kapihan, Socorro, Surigao del Norte ang lumantad at isiniwalat ang nalalaman nila sa mga aktibidad ng grupo.
Ayon kay Senador Risa Hontiveros, lumapit sa kanilang tanggapan ang 28-anyos na dating miyembro na si alyas Karl, at inamin na dati siyang miyembro ng Agila Squad, ang armadong grupo ng SBSI, na pinamumunuan ni Senior Agila o Jey Rence Quilario.
Ibinahagi ng testigo na mayroong 107 sa kanila na bahagi ng hukbo ng kulto, kabilang ang mga 12 taong gulang at ilan pang babae.
Sinabi ni Karl na sinanay silang gumamit ng kutsilyo at baril at sinabihan sila na maaari nilang isakripisyo ang kanilang buhay para sa kanilang lider dahil sila ay soldier of God at maaari rin anya silang pumatay batay sa kanyang kautusan.
Lumapit din sa tanggapan ng senador ang isang 13-anyos na babae na si alyas Maymay matapos itong tumakas sa kulto kasama ang kanyang mga magulang dahil gusto niyang makapag-aral.
Isiniwalat ni Maymay ang ilang insidente ng pang-aabuso ng mga miyembro ng kulto.
Iginiit ni Hontiveros na sadyang nakakatakot ang kultong ito dahil handa silang gumamit ng dahas para mapasunod ang mga tao sa komunidad nila. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News