Nagsisilbing hadlang sa PHIVOLCS upang punan ang unfilled position sa kanilang tanggapan ang mababa nilang pa-sweldo.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na mayroong 252 positions ang kanilang departamento kung saan 209 ang filled up habang 43 ang unfilled positions.
Ipinaliwanag ni Bacolcol na kahit malagyan nila ang mga bakanteng posisyon ay marami pa rin ang nagre-retire o kaya naman ay nagre-resign.
Isa rin anya sa kanilang problema ay ang alok na salary grade 9 o P21,000 para sa entry positions gayung ang requirement para rito ay mga engineer at mayroon pang isang taong experience kaya’t hindi rin sila makapag-hire ng fresh graduates.
Suhestyon naman ni Senador Francis Tolentino na upang masolusyunan ito ay bigyang prayoridad sa hiring nag mga nag-on the job training sa ahensya.
Sinabi ni DOST Secretary Renato Solidum na ginagawa na nila ang naturang suhestyon subalit matapos anyang magtraining ang kanilang mga empleyado ay umaalis na rin sa kanila dahil sa alok na mas mataas na sahod ng ibang kumpanya.
Sa gitna nito, iginiit ni Tolentino na dapat magrestructure ang PHIVOLCS upang madagdagan ang sahod ng kanilang mga empleyado at makapaghire ng dagdag na tao dahil marami ring bulkan ang dapat nilang bantayan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News