Hiniling ni Senador Raffy Tulfo sa Senate Committee on Games and Amusement na magsagawa ng inquiry in aid of legislation para rebisahin ang mga batas at regulasyon na sumasaklaw sa mga casino customers sa Pilipinas.
Sa kanyang Senate Resolution 799, sinabi ni Tulfo na nakaalarma ang pagdami ng criminal activities na naglalagay sa kapahamakan ng mga tumatangkilik sa mga casino.
Ipinaliwanag ni Tulfo na sa mga nakalipas na taon, nagkaroon ng kontribusyon ang casino gaming industry sa development ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at kita mula sa turismo.
Kasabay nito, dapat din anyang maging malawak ang promosyon ng responsible gambling at regular na pagrerebisa sa mga batas at regulasyon na may kinalaman sa operasyon at pamamahala ng mga casino.
Nakasaad din sa resolution ang pangangailangan na pag-aralan ang epekto ng palalaro ng casino sa finances, mental health, social relations at overall well-being ng isang tao. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News