Iginiit nina Senador Grace Poe at Ronald ‘Bato’ dela Rosa na nakakagalit at nakakahiya ang insidente ng paglunok ng $300 ng isang tauhan ng Office of Transportation Security (OTS).
Sinabi ni Poe, chairperson ng Senate Committee on Public Services, tila hindi na nauubusan ng gimik ang mga kawatan sa airport.
Ayon sa senadora, posibleng hindi buong kwento ang nakita sa CCTV at lumilitaw na may mga kasabwat ang naturang tauhan ng OTS dahil may mga report na nagsasabing inutusan ito na lunukin ang dolyar para hindi mahuli.
Umaasa naman si Poe na agarang matutunton ng mga awtoridad sa kanilang imbestigasyon ang sangkot sa panibagong katiwalian na ito ng ilang taga OTS.
Dapat anyang agarang imbestigahan ng liderato ng airport ang naturang insidente para agad makasuhan at papanagutin.
Binigyang-diin naman ni dela Rosa na sadyang malala na ang sitwasyon kung umabot na sa pagkain ang pera para maitago ang pagnanakaw at hindi mahuli.
Kinalampag din ni dela Rosa ang OTS at ang Department of Transportation (DOTr) upang agad aksyunan ang bagong nadiskubreng modus operandi sa NAIA.
Sinabi ni dela Rosa na tayo mismo ang sumisira sa sariling reputasyon sa international arena lalo na kung ang krimen na ito ay hindi agad maaaksyunan. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News