Kinuwestyon ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kaugnay sa kakulangan ng mga tauhang itinatalaga sa mga Malasakit Center.
Ito ay makaraang ihayag ni Go na nakatatanggap siya ng mga impormasyon na kalahati lamang ng 159 Malasakit Centers ang may naka-deploy na tauhan ng PCSO.
Ipinaalala ni Go na alinsunod sa Malasakit Centers Act, mandato ng DSWD, Department of Health, at PCSO na magkaroon ng sapat na tauhan sa bawat Malasakit Center upang tumulong sa mamamayan.
May ulat ding natanggap si Go na ang ayuda ng DSWD ay maaari lamang mag-access sa DSWD regional and field offices.
Nilinaw naman ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na may sapat silang tauhang nakatalaga sa mga Malasakit Center.
Katunayan hanggang nitong August 2023, umabot na sa 131,533 direct beneficiaries ang kanilang natulungan at nabigyan ng kabuuang P329-M na halaga ng tulong.
Sinabi pa ni Go na plano niyang pagpaliwanagin ang PCSO sa kanilang kabiguang sumunod aa itinatadhana ng batas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News