Lusot na sa 2nd reading ng Senado ang panukalang naglalayong bigyan ng cash gift ang mga senior citizens na aabot sa edad na 80 anyos at 90 anyos.
Ayon sa sponsor ng panukala na si Senador Imee Marcos, layun ng panukala na kilalanin ang longevity o haba ng buhay ng isang tao dahil batay sa mga pag-aaral, ang life expectancy ng mga babaeng Pilipino ay nasa 78 anyos habang sa mga lalaki naman ay 71.
Alinsunod sa panukala, bibigyan ng P10,000 ang mga lolo at lola na sasapit sa edad na 80 at P20,000 sa mga aabot ng 90 taong gulang.
Tulad naman ng ginagawa sa mga nakatatanda na umabot ng 100 taong gulang, ibibigay ang cash gift sa kanilang pamilya kapag ang senior ay pumanaw isang araw o higit pa matapos ang kanilang ika-80 at ika-90 kaarawan.
Mangangailangan naman ng P2.1-B na pondo para maipatupad ang batas. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News