Pinaiimbestigahan nina Senador Risa Hontiveros at Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang sinasabing karumaldumal na pang-aabuso ng isang kulto sa Socoro, Surigao del Norte kung saan nasa mahigit 1000 kabataan ang sinasabing ginagahasa, minomolestiya at sapilitang ipinakakasal sa mga miyembro ng kulto.
Inihain ni Hontiveros ang Senate Resolution 797 habang Senate Resolution 796 ang inihain ni Dela Rosa na naglalayon na imbestigahan ang People’s Organization na Socorro Bayanihan Services, Incorporated na kilala rin bilang Omega de Salonera, na pinamumunan ni Jey Rence Quilario, alyas Senior Agila na itinuturing umanong reincarnated ni Sto Niño.
Sa impormasyon ng dalawang senador, umaabot sa 3,650 na miyembro ang kulto kabilang na ang 1,587 na mga kabataan na naninirahan sa bundok na tinawag nilang Sitio Kapihan.
Ayon kay Hontiveros, nakakapangilabot at nakakagalit ang mga kaso ng panggagahasa, pananakit, at pilit na pagkakasal na ginawa sa mga kabataan ng naturang kulto.
Dapat anyang wakasan ito at hindi dapat na hayaang magpatuloy ang pang-aabuso ng mga kabataan at sa ilan pang miyembro nito.
Lumilitaw din sa impormasyon na makapangyarihan ang kulto sa pamumuno ni Senior Agila na gamit ang kanilang pera kaya’t umapela na ang dalawang senador na tulungan ng Senado at ng mga awtoridad ang mga biktima. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News