Magtatatag ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng condonation quick response centers para sa condonation o pagbubura ng utang ng agrarian reform beneficiaries.
Ito ay bilang tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na madaliin ang pagpapatupad ng implementing rules and regulations ng New Agrarian Emancipation Act.
Maglalabas si DAR Sec. Conrado Estrella, III ng special order para sa bubuuing condonation quick response centers, na ilalagay sa lahat ng lalawigan sa buong bansa kasama na ang DAR central office.
Nagtalaga na rin ang DAR ng mga bagong abogado na aalalay sa mga magsasaka upang mapabilis ang kanilang aplikasyon.
Tiniyak naman ni Estrella na bibilisan ang pag-proseso sa mga aplikasyon at wala na silang hihinging kung anu-ano sa mga benepisyaryo.
Matatandaang sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act, kinalimutan na ng gobyerno ang P57.55-B na halaga ng utang kabilang ang interests, penalties, at surcharges ng mahigit 600,000 agrarian reform beneficiaries. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News