dzme1530.ph

1k kabataan, inaabuso ng isang kulto sa Surigao del Norte

Ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros na mahigit sa 1,000 kabataan ang nasa kamay ng anya’y mapanlinlang, malupit, at mapang-abusong kulto sa Socorro, Surigao del Norte.  

Sa kanyang privilege speech, hinimok ni Hontiveros ang mga awtoridad na agad itong aksyunan dahil  ang mga bata ay nagiging biktima na ng rape, sexual violence, child abuse, forced marriage na kagagawan ng isang kulto na kinilala nitong People’s Organization na ang pangalan ay Socorro Bayanihan Services.  

Sinabi ng senadora na batay sa mga taga-Socorro, kasama ang mismong Mayor ng munisipalidad, nagsimula ang kulto noong may isang 17 anyos na lalaki ang hinubog upang maging susunod daw na tagapagligtas na kinilalang si Jey Rence Quilario.  

Nang yanigin anya ng lindol ang Surigao del Norte ay ginamit itong oportunidad ng lider at dinala sa bundok ang mga miyembro ng kulto at doon na nangyari ang mga pang-aabuso.  

Ayon kay Hontiveros,  armado at delikado ang kulto at ang kanilang pondo ay nagmumula sa pensyon ng 4Ps at senior citizen pension gayundin sa operasyon ng droga. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author