dzme1530.ph

Ilan pang senador, kinondena ang pag-harvest ng corals sa West Philippine Sea 

Itinuturing na foul ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang pagwasak ng China sa coral at marine resources ng Pilipinas sa West Philippine Sea.  

Ito ay kasunod ng pagbubunyag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na halos wala nang natirang corals sa Rozul Reef sa bahagi ng West Philippine Sea matapos ang swarming o magkumpulan ang mga Chinese Militia Vessels sa naturang lugar.  

Binigyang-diin ni Zubiri na kung hindi rerespetuhin ng China ang arbitral ruling ay dapat respetuhin ng mga ito ang marine resources ng ating bansa dahil napaka rare na ng mga ito at mahigit 100 taon bago ito mabuo.  

Ipinunto pa ng senate leader na isa ring food security issue hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo ang ginawa ng Chinese militia vessels dahil makakaapekto ito sa huli ng mga mangingisdang Pilipino, Vietnamese at maging Chinese.  

Maituturing anya itong pananabotahe sa abilidad ng bansa na pakainin ang mga Pilipino.  

Kinumpirma naman ni Zubiri na isusulong nila sa 2024 budget ang paglalaan ng P600-M para sa pagtatayo ng marine radio stations sa iba’t ibang bahagi ng bansa. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News 

About The Author