Inaprubahan na ng Senate Subcommittee on Finance ang panukalang 2024 budget ng Presidential Communications Office (PCO) para sa susunod na taon.
Sa pagdinig ng kumite na pinamunuan ni Senador JV ejercito, muling binigyang-diin ni PCO Secretary Cheloy Garafil na ang pagsugpo sa fake news ang isa sa mga prayoridad ng ahensya.
Ito anya ang dahilan ng pagbuo nila ng Media Information Literacy Campaign na ang pangunahing target ay bigyan ang kabataan ng tamang kaalaman at kapabilidad upang matukoy ang fake news at totoong balita.
Kinumpirma ni Garafil na nagsagawa sila ng survey kung saan lumalabas na siyam sa bawat sampung Pilipino ang vulnerable sa fake news.
At batay anya sa pag aaral ang kabataan ang pinaka-vulnerable o apektado sa maling impormasyon.
Kaugnay nito, makikipagtulungan na ang PCO sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DSWD, DepEd, CHEd, DICT at DILG para ma-empower ang mga kabataan kontra fake news.
Layun ng PCO sa programang ito na matulungan ang kabataan na sila na mismo ang makatukoy kung ano ang fake news o hindi.
Idinagdag pa ni Garafil na mayroon na silang partnership sa top social media platforms, gaya ng X (Twitter), Facebook, Tiktok at Google.
Isinusulong aniya ng ahensya ang positive collaboration sa social media platforms sa halip na pagba-ban sa paggamit ng mga ito. –sa ulat ni Dang Garcia, DZME News