dzme1530.ph

Malaysian retail specialist Valiram Group, planong magtatag ng Duty-Free airport outlets sa bansa

Pinaplano ng Malaysian retail specialist Valiram Group na magtatag ng airport outlets sa Pilipinas para sa Duty-Free retail tourism.

Sa pakikipagpulong ng Valiram Group officials kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Singapore, kanilang ipinabatid ang planong pag-eexpand ng operasyon sa bansa sa susunod na limang taon.

Layunin umano ng Malaysian firm na tulungan ang ilang sikat na brand na mapalawak pa ang kanilang market sa Pilipinas, sa pamamagitan ng paglalagay ng Duty-Free walk-through stores sa mga paliparan.

Kinilala naman ng Pangulo ang kahalagahan ng retail business sa ekonomiya at sa tourism industry na nagtataguyod ng consumer spending.

Ang Valiram ang nangungunang luxury goods at retail specialist sa Southeast Asia na kumakatawan sa mahigit 200 mamahaling brands ng damit, accessories, alahas, pabango, at cosmetics. –sa ulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author